Bakit Gusto kong Magsulat?

Matagal ko ng pangarap makapagsulat pero di ko magawa. Nakalagay taun-taon sa planner ko na magsusulat ako. Pero mahirap. Mahilig lang akong mag-isip pero hirap akong gawing mga salita ang mga ideyang nagdaraan sa utak ko. Yung mahanap at mapagtahi-tahi ang mga salitang sasalamin sa laman ng aking magulo’t malabong isipan.

Iba ngayon. Dati, iniisip ko lang na magsusulat ako. Pero ngayon, sinubukan ko.

Ang hirap. Di ko alam kung saan ako magsisimula. Ang daming ideya, ang daming pwede. Pero paano ko nasabing ang daming pwede? Kaya bigla ring dumami ang tanong. Di ko masagot. Kaya nahulog ako sa tanong kung bakit gusto kong magsulat, e pwede naming hindi.

Kapag marunong ka kasing magsulat parang ang ‘cool’ kasi kaya mong isalin sa mga salita ang mga ideyang matagal ng bumubulabog sa’yo o kaya nama’y yung mga ideyang napadaan lang sa kamalayan mo. Yung tipong kaya mong gawing may kabuluhan ang mga bagay na sa tingin ng mga normal na taong tulad ko e normal lang naman. Sa tingin ko lang naman…

Bakit sinusubukan kong magsulat?

Isang beses lang ako nakapagsulat ng matino sa buong buhay ko sa kolehiyo. Yun ay nung isulat ko ang naging proseso at sagot ko sa tanong na katumbas ng diploma ko. Kakatwa mang aminin na isa akong communication student pero hindi ako matatas magsulat, sa Filipino man o sa Ingles. Di ko alam kung bakit.

Kaya nga di ko kinuhang major ang Development Journalism (DevJourn) kasi alam ko sa sarili ko na hindi ako magaling magsulat. Kaya pinili kong doon na lang ako magtungo sa major kung saan maari kong gawin at ipakita ang mga ideyang tumatambay o napatambay lang sa isipan ko. Pero, kumuha pa rin ako ng isang kurso sa DevJourn kasi kailangan e marunong din naman akong magsulat ng balita at ng lathalain kahit papaano. Baka naman masira ang gumagandang pangalan ng DevCom sa akademya at sa labas nito. Nakakahiya.

“Hirap po kasi talaga ako magsulat, Mam.”

“Isulat mo kase… Writing is analysing.” Sabi ng adbayser ko ng ako’y kumonsulta para sabihing di ko alam kung paano ko sisimulang isulat ang thesis ko. Nagsulat naman ako. Ang dugo ng proseso. Sinasaktan ko ang sarili ko. Nilalait ko ang istilo ng pagsusulat ko. E kalait-lait naman talaga. Mamali-mali ng gamit ng salita, que lalabo. Sabaw.

Doon ko napagtanto na mas mabuti nang may sabaw kaysa sa mangkok na walang laman. Kung sa pagkain, okay nang sabaw kaysa wala. Lamang tiyan na din yung sabaw na yon kahit papaano. At mula sa lamang t’yan na yon ko nakuha ang lakas para mahanap ang direksyong patutunguhan ng pagsusulat ko.

O tapos?

Mula sa malabo at magulong pagsusulat na’yon ko sinimulang palinawin at mas maintindihin ang mga konseptong sa paulit-ulit na pag-iisip ay di ko na maintindihan. Doon ko napagtanto na ang pagsusulat ay isang paraan upang gawing mas maliwanag ang mga konseptong dati’y hinahayaan ko lang maglabas-masok sa isipan ko.

Sa pagsusulat ko nailarawan ang mga mailap at masikot na mga mga ideyang di ko inakalang abot pala ng isip ko. Tuwing babalikan ko ang mga talata sa aking thesis, nagugulat ako sa mga pinagsusulat ko. Dumaan pala ang mga ideyang yun sa utak ko noon. Ilang buwan pa lang ang nakakaraan di ko na maalala. Paano kung di ko sila naisulat? Edi hindi ko malalaman na kaya naman pala ng utak ko na mag-isip ng mga bagay na ganon.

O Ngayon?

Dahil nga gusto kong magsulat pero di ko alam kung saan ko sisimulan ang pagsusulat ko, eto’t napasulat tuloy ako kung bakit gusto ko at sa tingin ko ay kailangan kong magsulat.

Kasi gusto kong maging klaro sa sarili ko ang mga naghahalo-halong mga ideya sa isipan ko. Gawing malinaw ang mga konsepto at pananaw na patuloy na magiging malabo kung pababayaan ko lang silang magdaan sa isipan ko.

Gusto kong magsulat upang tumigil pansamantala at pagnilayan ang mga bagay na bumubulabog sa mapagtanong kong kaisipan. Upang i-organisa ang mga tanong at sagot na kapag sa utak ko lamang mananatili ay parang usok na sa kawala’y unti-unting maglalaho ng walang matitirang bakas.

Panghuli, nais kong bigyang kahulugan ang mga pangaraw-araw na nararanasan ko sa buhay. Itaas ang antas ng pagpoproseso sa mga bagay-bagay na sa unang tingin ko ay ‘normal’ o ‘tipikal’. Dahil sa mundong ito na hindi lahat ng nakikita, naramramdaman, at nararanasan natin ay ‘yun na yon’, gusto kong tingnan ang mga bagay sa mas malawak at mas malalim na konteksto at perspektibo.

Kaya gusto kong magsulat.